Buong pagmamalaki nating kinikilala ang pioneering batch ng Tarlac State University – La Paz. Kayo ang unang nagsulat ng kasaysayan. Kayo ang unang unang nagtiwala at ngayon ay kabilang sa mga unang bunga ng isang pangarap na sama-samang binuo para sa ating mga kabataan.
Para sa LGU La Paz, ang gabing ito ay tunay na makasaysayan. Sapagkat ang tagumpay ninyo ay hindi lamang personal na tagumpay. Ito ay patunay na kapag ang pamahalaan, akademya, at komunidad ay nagtutulungan, ang dating pangarap ay nagiging katotohanan.
Taos-puso ang aming pasasalamat sa Tarlac State University, sa pamumuno ng ating minamahal na President Jasper Mendoza, ganoon na rin sa dating TSU President — Dr. Arnold Velasco, sa kanilang pamunuan, faculty, at staff, sa kanilang patuloy na pakikipagtulungan at pagtitiwala sa La Paz.
Nagpapasalamat rin ang Pamahalaang Bayan ng La Paz sa mga taong patuloy na gumagabay at nagsusulong sa tagumpay ng TSU La Paz: Dr. Brendalyn A. Manzano, Vice President for Academic Affairs; Dr. Edwin T. Caoleng, Dean ng College of Public Administration and Governance; Dr. Cynthia G. Quiambao, Dean ng College of Education; at Prof. Douglas C. Ferrer, Director ng TSU La Paz Campus.
Maraming salamat sa inyong dedikasyon at sa inyong paniniwala na ang edukasyon ay dapat mailapit sa bawat kabataan.
Sa ating mga graduates, congratulations! Ang inyong pagsusumikap, pagtitiyaga, at sakripisyo ang tunay na dahilan kung bakit tayo naririto ngayong gabi.
At sana, balang araw, kapag kayo naman ang may pagkakataong magbigay ng oportunidad sa iba, huwag ninyong kalimutan ang ginawa natin dito.
Buksan ninyo ang pinto para sa iba, gaya ng pagbukas ng TSU La Paz ng pinto para sa inyo.
Mula sa LGU La Paz, ipinagmamalaki namin kayo. Ang inyong mga pangalan ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bayan.
Mabuhay ang pioneering batch ng TSU La Paz! Mabuhay ang kabataan ng La Paz! Ito ang tunay na Progreso at Pagbabago!







